Kabanata 65: Puso sa Likod ng Pagtitiwala
Adelina's Point of View
Tatlong araw na ang lumipas mula nang tulungan kami ni Romeo sa pagpapagamot kay Lola. Hanggang ngayon, nananatili pa rin kami sa kanyang condo, isang lugar na mas komportable kaysa sa aming masikip at luma na apartment sa Kawit.
Hindi ko naman gustong abusuhin ang kabaitan niya, pero totoo ngang mas maayos ang kalagayan ni Lola kung dito sya mamamalagi—malinis ang hangin, malambot ang kama, at may aircon na nagpapalamig sa kanyang pagod na katawan. Sa aming apartment, madalas ay pawis at hapo si Lola dahil sa init at sikip ng lugar.
Hatid-sundo ang lola ko ng driver niya papuntang ospital para sa kanyang check-up at gamutan. Kaya naman, kahit labag sa loob ko, hindi ko matanggihan ang alok niyang tumuloy kami rito.
Alam ko rin na mas ligtas at mas maayos para kay Lola ang ganitong set-up, lalo na't kailangan niya ng sapat na pahinga.
Nauna na akong umalis sa hospital patungo sa palengke upang mamili ng mga sangkap para sa hapunan. Gusto ko sanang magluto ng masarap para kay Lola at Aries pagbalik nila mula sa ospital.
Hindi ko na rin napansin ang oras sa sobrang pagkaabala ko sa pamimili. Si Romeo naman ay tatlong araw na rin na hindi umuuwi rito sa condo. Wala rin siyang sinasabi kung kailan siya babalik, at kahit nagpadala ako ng mensahe sa kanya, wala akong natatanggap na sagot.
Tikom din ang bibig ng driver niya—si Mang Tony—na lagi na lang sinasabi na bawal siyang magsalita tungkol kay Romeo o sa trabaho nito. Misteryoso ang lalaking iyon, at kahit gaano ko gustong malaman kung ano ba talaga ang ginagawa niya, pakiramdam ko ay wala akong karapatang mag-usisa.
Nagdududa ako pero tumutulong naman sya at wala naman syang ginagawang mali saamin kaya hindi na rin ako masyadong iniisip ang totoong katauhan nya.
Pagbalik ko sa condo, dala ang mga pinamili, agad akong nagpunta sa kusina upang simulan ang pagluluto. Pinili kong lutuin ang paboritong sinigang ni Lola, kasabay ng ilang pritong isda at kanin.
Habang hinihintay kong kumulo ang sabaw, narinig ko ang tunog ng pinto na bumukas. Napakunot ang noo ko. Imposible namang sina Lola na ang dumating, dahil wala naman silang susi, at maaga pa para sa kanila bumalik mula sa ospital.
Dahan-dahan akong lumabas ng kusina, dala ang kutsilyo na ginagamit ko sa paghiwa ng gulay, at sinilip ang sala. Doon, nakita ko si Romeo na inilapag ang kanyang bag sa sofa. Nakasuot siya ng itim na polo, medyo gusot, at mukhang pagod na pagod. Ang kanyang buhok ay medyo magulo, at may mga bakas ng pawis sa kanyang noo.
"Nandyan ka na pala," sabi ko, hindi maiwasang magtaas ng kilay. "Hindi ka man lang sumasagot sa mga mensahe ko."
Tumingin siya sa akin, bahagyang nagulat, bago ngumiti ngunit mababakas ang pagod. "Mensahe? Ah, late ko na nabasa kagabi. At saka, wala naman akong maisip na isasagot sa'yo." sagot nito.
Tumango lang ako, hindi na nagpumilit na magtanong muli. Sinabi niya na bihira lang talaga siya umuwi sa condo dahil madalas siyang natutulog sa opisina kapag maraming trabaho.
Hindi ko rin alam kung anong klaseng trabaho ang ginagawa niya para kumita ng malaking pera kahit na halos magka edad lang kami, pero base sa itsura ng condo—malinis, moderno, at puno ng mamahaling gamit—alam kong mayaman siyang tao.
Habang nakaupo siya roon, bigla niya akong tinignan mula ulo hanggang paa. Napansin ko ang kanyang mga mata na parang sinusuri ako, at hindi ko maiwasang mailang sa mga ginagawa nyang pagtitig saakin. Dahil nakasuot ako ng isang lumang t-shirt at short na maong, kasabay ng apron na hiniram ko sa kusina niya para gamitin sa pagluluto.
Agad kong tinakpan ng braso ko ang katawan ko, nahihiya sa kanyang titig na ginagawa. "Tigilan mo nga 'yang pagtitig sa'kin!" sabi ko, medyo naiinis.
Ngumiti lang siya bikang sagot, isang ngiting may halong panunukso. "Hindi ko inaasahan na makikita kitang naka-apron. Kahit na boyish ka ay bumabagay sa'yo ang ganyang porma, ah. Parang hindi ka tomboy ngayon."
Agad namula ang pisngi ko sa inis. "Ano'ng masama sa apron ko? Para kang hindi pa nakakita ng ganito!" depensa ko. "At para malinaw, madalas akong mag-apron dahil nagtrabaho ako sa karinderya. Kaya tigilan mo 'yang pang-aasar mo."
Natawa siya, pero may lambot sa kanyang tawa, hindi tulad ng mga lalaking nang-aasar para lang mang-insulto. "Marunong ka palang magluto? Akala ko puro away lang alam mo," biro niya, pero may paghanga sa kanyang tono.
"talagang gusto mo akong inaasar ah," sagot ko, pero hindi ko rin napigilang ngumiti para ipagmalaki ang kakayahan ko.
"Marami akong kayang gawin, lalo na sa pagluluto. Kaya nga ako ang nagluluto para sa pamilya ko."
Nagyabang ako, pero bigla kong naalala ang sinigang sa kusina. "Ay, teka ang niluluto ko!" Napatakbo ako pabalik sa kusina, nataranta.
Sumunod siya sa akin para makita ang ginagawa ko, napasandal sa pintuan ng kusina habang pinapanood ako.
Habang hinintay ko ang pagkulo ng sinigang, napansin ko ang pagod sa kanyang mukha—may mga itim na bilog sa ilalim ng kanyang mga mata, at ang kanyang balikat ay parang hinintay na lang bumagsak sa sobrang bigat ng dinadala.
Gusto ko sanang tanungin kung ayos lang ba sya o kung kumain na ba sya ng maayos pero nag alinlangan ako.
"Nakalimutan ko palang magbigay ng budget para sa pagkain nyo dito," sabi niya habang hinihintay ang reaksyon ko. "Pasensya na, masyado kasi akong abala sa trabaho."
Tumingin ako sa kanya bakas ang pag-aalala. "Nakakatulog ka pa ba? Mukha kang zombie," sabi ko, hindi ko napigilang magmalasakit.
"At saka, hindi mo kailangang bigyan kami ng pera para sa pagkain. Kaya naman naming bumili ng kakainin namin. Sobra na 'yung itunutulong mo kay Lola."
Ngumiti siya, pero may pait sa kanyang ekspresyon. "Normal lang na bumili ako ng pagkain para sa mga bisita ko. Gusto ko lang tumulong hangga't kaya ko, isipin mo na lang na masaya ako kapag nagagawa ko 'to."
Napataas ang kilay ko. "Aba, parang kailan lang, sabi mo ayaw mong makialam sa problema ng iba."
Saglit syang napangiti, . "Hindi rin ako sigurado kung ano talaga ang gusto ko gawin. Pero maikli lang ang buhay, Adelina. Kaya habang nandito pa ako, gusto kong tumulong."
Tumalikod siya, parang aalis na, pero huminto at sinabi, "Kakain din ako ng hapunan kasama kayo. Tawagin mo na lang ako kapag nakahanda na."
Naiwan akong nakatulala sa kusina, hawak pa rin ang sandok. Hindi ko alam kung bakit, pero may kung anong init sa dibdib ko sa mga sinabi niya.
Parang may bahagi sa akin na gusto ko na palagi sya kausap, pero gayunpaman naiisip ko parin kung tama ba itong nararamdaman ko. Natatapakan nito ang pride ko at ang mga hinanakit ko sa mga tulad niya at ng mga Kastila ay nagbibigay saakin ng oag aalinlangan na maging komportable sa kanya.
---
Ilang minuto ang lumipas, dumating na sina Lola at Aries mula sa ospital. Agad akong naghanda ng hapunan sa mesa—sinigang, pritong isda, kanin, at isang mangkok ng ensaladang kamatis.
Kinatok ko ang pinto ng kwarto ni Romeo, at agad siyang lumabas, mukhang medyo nakapap pahinga na rin sya. Sumali siya sa amin sa hapunan, at habang kumakain, kinamusta niya ang kalagayan ni Lola.
"Lola, kumusta po ang pakiramdam ninyo?" tanong niya.
Ngumiti lang si Lola, ang kanyang mga mata ay puno ng pasasalamat. "Salamat sa Diyos, at salamat sa'yo, iho. Mas maayos na ang pakiramdam ko dahil sa mga gamot at sa therapy sa ospital na pinapapuntahan mo sa akin. Hindi ko alam kung paano ko maibabalik ang kabaitan mo."
Ngumiti lang si Romeo, pero bago pa siya makasagot, biglang nagsalita si Aries, na parang hindi na naman makapagpigil. "Kuya Romeo, tanong lang bakit palagi kang may bodyguards? At bakit bawal namin silang kausapin? Ano ba talaga ang trabaho mo? Parang big-time ka masyado, eh."
Napatingin ako kay Aries, agad na sinaway siya. "Aries, tigilan mo nga 'yang mga tanong mo! Wala tayong karapatang makialam sa buhay ni Romeo."
Pero hindi nag pa awat si Aries katulad ng dati, naging akulit pa rin sya sa pagtatanong ng mga bagay. "Ate, normal lang naman na malaman natin 'yung tungkol sa nobyo mo, di ba? I mean, boyfriend mo siya, pero parang wala kang alam sa kanya. Hindi ka ba nagtataka kung saan siya natutulog o ano'ng ginagawa niya?"
Napapikit ako ng marinig nanaman ang tungkol sa relasyon namin ni romeo, nahihiya at naiinis ako kapag naiisip ko na iniisip nila aries na totoo kaming mag kasintahan ni romeo gayung nag papanggap lang kami dahil sa kasinungalingan na ginawa ko.
"Aries, tumigil ka nga! Hindi mo kailangang magtanong ng ganyan!" sabi ko, pero sa loob-loob ko, alam ko rin na may punto siya.
Hindi ko nga alam kung bakit kailangan ko pang magpanggap na nobyo ko si Romeo, lalo na't hindi naman talaga kami magkakilala ng lubos.
Napatuloy si Aries sa sa pag uusisa at hindi pa rin tumitigil. "Sa totoo lang, Ate, hindi ko maunawaan kung paano kayo naging mag-kasintahan, Wala kang alam sa kanya, tapos parang wala ka ring pakialam. Kung nobya ka, dapat sweet ka, di ba? Pero ikaw, parang wala kang care sa kalagayan ni kuya romeo!"
"Ano'ng ibig mong sabihin na wala akong pakialam?" sagot ko, naiinis na. "Hindi ba sapat na pagmamalasakit ang pagluluto ko ng hapunan? Ano pa bang gusto mo?"
Ngumiti si Aries, pero may panunukso sa kanyang ekspresyon. "Ate, nagluto ka kasi gutom ka rin. Ang ibig ko sabihin, yung tipong makikita namin na sweet kayo, na may pagmamahal ka sa kanya. Yung tipong hinintay mo siya pag-uwi niya, o kaya nag-aalala ka man lang sa kanya."
" Kagabi nauuna ka pang matulog kesa saamin, hindi ba pag inlove ay hindi makatulog? Dagdag ni aries.
Hindi ko agad nasagot si Aries. Paano naman ako magiging sweet kay Romeo, eh hindi naman talaga kami magkasintahan? Pero bago pa ako makasagot, biglang nagsalita si Romeo, ang kanyang boses ay kalmado pero may bigat.
"Pasensya na, Aries," sabi niya. "Kasalanan ko rin ito. Gusto ko kasing ilihim ang tungkol sa trabaho ko at kung sino ako para narin sa kaligtasan nyo. Pero ang totoo, natutuwa ako kay Adelina. Komportable ako kapag kasama ko siya."
Bigla akong kinilabutan sa sinabi niya. Nagkaroon ito ng spark sa akin na tika may kumalabit na lang sa puso ko, at hindi ko mapigilang mamula sa kahihiyan. "A-an-ano'ng sinasabi mo diyan?" bulong ko, pero sapat na ang lakas ng boses ko para marinig niya.
Ipinaliwanag niya na ang mga kasama niya tuwing umuuwi ay hindi bodyguards, kundi mga tauhan niya, hindi sila pwedeng kausapin dahil kasama ito sa trabaho nila. "Nasanay na ako na sinusunod at iginagalang ng mga tao sa paligid ko, kasi mayaman ang pamilya ko at may impluwensya sa gobyerno," sabi niya, ang kanyang boses ay puno ng katotohanan.
"Pero dahil doon ay nahihirapan din ako makisama sa ibang tao lalo na kapag masyado silang gumagalang. Sinusubukan ko na lang na maabot ang expectations ng mga tao sa isang katulad ko."
Dagdag niya, "At isa pa ayoko lang na magbago ang pakikitungo ni Adelina sa akin kapag nalaman niya kung sino o ano ang pagkatao ko."
" Pero wag kayong mag alala, hindi ako masamang tao, sindikato o kriminal. Ituring nyo lang ako bilang taong tumutulong sainyo. "Dagdag ni romeo.
Hindi ko napigilang magmalaki para asarin sya. "Kung makapagsalita ka, parang isa kang maharlika," sabi ko, may halong pang-aasar. "Sa tingin ko, isa ka lang din naman sunod sunuran sa mga Kastila, kaya hindi ka importante sa bansang ito katulad namin."
Tumawa siya, pero may pagyayabang sa kanyang tono. "Nakakainsulto ang sinabi mo Adelina. Kung alam mo lang kung paano ako tingnan at yukuan ng mga Kastila kapag dumadaan ako, baka humiyaw ka sa paghanga saakin."
"Manigas ka!" sagot ko, naiinis na naman. "Wala akong bilib sa mga katulad mo. Alam ko mayaman ka, pero wala namang pilipinong mas mataas kesa sa mga kastila."
Napabuntong-hininga siya at tumingin kay Aries. "Iyon mismo ang dahilan kung bakit ayoko na malaman ni Adelina ang tungkol sa akin," sabi niya. "Maraming galit sa akin dahil inaakala nika na sunod sunuran ako sa mga Kastila. Nahihirapan akong ipaliwanag na hindi ako masamang tao."
" Tiyak magagalit lang ang kapatid mo saakin at magiging komplikado na ang lahat. " Dagdag ni romeo.
Biglang sumagot si Aries, na parang gusto niyang ipagtanggol si Romeo. "Kuya, para sa'kin, hindi ka masamang tao. , sobrang mapanghusga lang talaga si Adelina Mula pa noon, parang lahat ng lalaki, masama sa kanya."
"Hindi ako mapanghusga!" depensa ko. "Normal lang na maghinala ako sa mga tao para iwasan na maabuso nila at hindi masama 'yon!" sagot ko.
Ngumiti lang si Romeo, ang kanyang mga mata ay puno ng pag-unawa. "Naiintindihan ko ang sinasabi mo, Adelina. Hindi ko rin naman gustong pilitin kang magtiwala sa'kin."
Biglang nagmaktol si Aries. "Alam n'yo, hindi ko kayo maunawaan! Alam ko na weird ang tomboy kong ate, pero hindi ko inaasahan na papasok siya sa ganitong weird na relasyon!"
Binatukan ko si Aries pagkatapos nya akong tawagin na weird . "Tumigil ka nga! Nakakahiya 'yang mga sinasabi mo!" sabi ko, nahihiya na rin ako sa harap ni Lola, na tahimik lang na nakikinig.
Hindi ko rin naman pwedeng aminin ang totoo—na hindi talaga kami magkasintahan ni Romeo—dahil naririnig ni Lola at tiyak pagagalitan ako.
Habang kumakain, tinanong ni Romeo si Aries kung bakit parang hindi siya pumapasok sa school . "Pwede ko namang ipasama si Lola sa isa sa mga tauhan ko papuntang ospital," sabi niya. "Bakit hindi ka na lang muna bumalik sa eskwela?"
"Okay lang, Kuya," sagot ni Aries, medyo malungkot ang boses. "Hindi na rin naman ako nag-aaral. Elementarya pa lang, tumigil na kaming lahat para magtrabaho."
Nagulat si Romeo. "Kahit mahigpit ang mga Kastila, pinapayagan naman nila ang libreng edukasyon para sa mga Pilipino. Bakit hindi ninyo tinanggap 'yon?"
Ipinaliwanag ni Aries na sinubukan naman naming mag-aral, pero hindi namin nakikitang may mapapala kami roon.
"Ang totoo, Kuya, hindi naman maganda ang pagtuturo sa mga libreng paaralan ng gobyerno para sa mga Pilipino.
Hindi 'yon tungkol sa pag-unlad, kundi para mas maging kapaki-pakinabang kaming mga alipin nila. Pili lang ang mga itinuturo, at kalahati noon ay puro gawain para maging tauhan o mga kasinungalingan tungkol sa kasaysayan."
Dagdag niya, "At saka, wala kaming pera para sa pagkain o pamasahe. Mas makakatulong kami kung magtatrabaho na lang o dumidiskarte para kumita."
Napabuntong-hininga si Romeo, ang kanyang mukha ay puno ng simpatiya. "Totoo na hindi maganda ang edukasyon para sa mga Pilipino dahil nililimitahan ito ng mga Kastila. Pero naniniwala ako na kailangan ninyong magkaroon ng kaalaman. Naiisahan ang maraming Pilipino dahil wala silang alam, at mas aangat kayo sa buhay kung marami kayong natutunan."
Tumingin siya kay Aries, seryoso ang kanyang mga mata. "Tutulungan kita makapasok sa maayos na paaralan. Huwag kang mag-alala, ako na ang gagastos sa lahat—mula sa tuition hanggang sa baon mo araw-araw."
Nagulat kami ni Lola sa narinig. Hindi ako makapaniwala, kaya napatawa ako at ininsulto siya. "Huwag kang magyabang ng ganyan para lang magpasikat sa amin!" sabi ko, pero sa loob-loob ko, nag-aalala ako na baka seryoso siya.
Imbis na magbiro, seryoso siyang tumitig sa akin. "Hindi ako nagbibiro, Adelina. Gusto ko talagang tulungan hindi lang si Aries, kundi ang buong pamilya mo. Kahit ikaw, kung gusto mo."
Labis na nagpasalamat si Lola, halos maiyak sa kanyang sinabi. "totoo ba yan iho, hindi ko alam kung paano ko maibabalik ang kabaitan mo. Gusto ko sanang magpatuloy sa pag-aaral ang mga apo ko, pero wala akong magawa para suportahan sila."
Napailing naman si aries habang napapakamot ng ulo, bakas sa kanya ang pag aalinlangan at hiya. "Kuya, hindi ko alam kung tatanggihan ko 'to. Gusto ko rin namang mag-aral, pero kailangan ko rin kumita para may panggastos kami."
"Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mong kumita," sabi ni Romeo. "Labindalawang taon ka pa lang, tama? masyado kang bata para magtrabaho. Ano nga pala ang ginagawa mo para kumita ng pera?"
Ipinaliwanag ni Aries na wala siyang tunay na trabaho. "Dumidiskarte lang ako, Kuya. Nagpupunta ako sa mga bahay o tao na may kailangan ng serbisyo—maglaba, mag-deliver, maglinis, o minsan helper. Maliit lang ang bayad, pero wala akong choice."
Dahil sa narinig ko ay napailing ako at nalungkot dahil na rin dinadanas ni aries ang mga bagay na dinadanas ko para lang kumita ng pera.
Napabuntong-hininga si Romeo at tinignan ako. "Naimpluwensyahan mo si Aries sa mga ginagawa mong pagtatrabaho," sabi niya, pero alam ko na hindi ito pang-aakusa, kundi parang pag-aalala.
"Hindi kayo mabubuhay ng maayos sa ganyang paraan, Adelina. Habang-buhay kayong mananatili sa gawain na ganyan kung hindi kayo kikilos."
Inalok niya kaming ayusin ang lahat para sa pag-aaral ng mga kapatid ko, kasama na ako. Pero hindi ako pumayag sa sinabi nya. "Hindi ko na kailangan mag-aral," agad na sabi ko na my matigas na boses.
"Hindi ko nakikita na may mas magandang oportunidad para sa mga Pilipinong katulad ko sa bansang sakop ng mga Kastila."
Napahinto si Romeo sa pagkain, napayuko, at parang may malalim na iniisip. "Alam ko na hindi ka papayag kung aalukin kitang maging honorary Spaniard katulad ko, at iginagalang ko ang desisyon mo," sabi niya, ang kanyang boses ay puno ng sinseridad.
"Pero ang totoo, kaya minamaliit ng mga Kastila ang mga Pilipino ay dahil sa kamangmangan natin. Wala tayong alam, kaya hindi natin maipagtanggol ang sarili natin."
Ikwinento niya na maraming Pilipino ang naging honorary Spaniard pero nanatiling tapat sa mga kababayan nila.
"Hindi maganda pakinggan na itinakwil nila ang pagiging Pilipino, pero iyon lang ang paraan para matalo ang kahirapan at makatulong sa iba. " sabi niya.
"Nung tinanggap ko ang pagiging honorary Spaniard ay nabigyan ako ng pagkakataong mag-aral sa magandang eskwelahan at makakuha ng koneksyon. Kung nanatiling sarado ang isip ko at nanaig ang pride ko bilang Pilipino, hindi ko magagawang tulungan ang mga nangangailangan, tulad ng lola mo."
Dagdag niya, "Alam ko galit kayo sa mga Kastila. At ang totoo ay Mas galit ako sa kanila ng higit sampung beses, at kahit sa kabilang buhay, hindi ko mapapatawad ang mga pumatay sa mga kababayan ko.
Pero kahit gaano kalakas ang galit ko, wala akong magagawa kung puro galit lang ang ipapakita ko." sambit nya.
Ipinaliwanag niya na kung mananatili siyang magagalit sa isang sulok, walang magbabago. Kung magrerebelde siya at papatay ng Kastila, bale-wala rin iyon. "Makakapatay ako ng sampu, isang daan, o isang libo, pero hindi matatapos ang problema, mananatili pa rin ang madilim na sistema ng pang-aabuso hanggang sa mga susunod na henerasyon," sabi niya.
"Pinili kong gamitin ang mga Kastila para tumulong sa mga Pilipino. Kinuha ko ang oportunidad bilang honorary spaniard para makatulong sa kapwa ko."
Seryoso niyang sinabi, "Hayaan ninyo akong patunayan ang sarili ko. gamitin ninyo ako para umangat sa buhay. Para wala kahit isang Kastila ang makapanlamang at makapanakit sa inyo."
Nauunawaan ko ang punto niya, at naniniwala akong may maganda siyang layunin. Pero nahihirapan akong tanggapin na humingi ng tulong, lalo na't noon pa man, isinumpa ko ang mga honorary Spaniard at mga Kastila.
Napayuko ako, hindi alam kung ano ang sasabihin, pero nagulat ako nang bigla niyang hawakan ang mga kamay ko.
"Alam ko mahirap," sabi niya, ang kanyang boses ay puno ng lambot. "Kung hindi mo kayang pagkatiwalaan ang mga Kastila, hindi kita masisisi. Pero hindi mo ito gagawin para sa kanila. Gagawin mo ito para sa pamilya mo."
Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Mapride akong tao, at gusto kong manatili na may isang salita, pero may kung anong init sa dibdib ko na gustong-gusto nang magtiwala sa lalaking nasa harapan ko.
Napabuntong-hininga si Romeo at binitiwan ang kamay ko. "Hindi mo kailangang sumagot ngayon," sabi niya. "Pag-isipan mo muna. Handa akong tumulong kahit kailan."
Natapos ang gabing iyon na puno ng kaguluhan ang isip ko. Hindi ko kayang magdesisyon agad, pero pakiramdam ko, wala akong dapat katakutan kay Romeo. Naniniwala akong iba siya sa mga hayop na Kastilang nanloko at nanakit sa pamilya ko.
---
Kinabukasan, maaga akong nagising, gaya ng nakasanayan ko kapag maghahanap ng trabaho. Pero dahil wala naman akong lakad ngayon, naisipan kong magluto na lang ng almusal para kay Lola.
Habang lumalabas ako ng kwarto, narinig ko ang isang ungol mula sa sala. Doon, nakita ko si Romeo, natutulog sa sofa, pero mukhang hindi mapakali. Pawis na pawis siya, at may mga luha sa kanyang mga mata habang may tinutukoy na pangalan.
"Flora…" bulong niya, ang kanyang boses ay puno ng takot, parang may nais syang habulin.
Kinabahan ako at agad na lumapit para gisingin siya. "Romeo, gising! Hoy,! Romeo! " sabi ko,
Hinawakan ko ang dalawang braso nito . Pero nung mahawakan ko sya ay bigla siyang napaupo at sumigaw .
"Flora!" Napatigil ako, natulala sa kanyang reaksyon.
Ilang segundo pa habang nakatulala sya na takot na takot, bigla niya akong niyakap ng mahigpit, isang mahigpit na yakap na parang natatakot na mawala ako.
Hindi ako makapaniwala sa ginawa nito at naramdaman ko ang mahigpit ng pagkakayakap nito sa katawan.
"Hoy! Ano'ng ginagawa mo? Bitawan mo ako!" sigaw ko habang nagugulat at naiinis.
Sa sobrang taranta ko ay itinulak ko siya at sinampal ng malakas ng pisngi.
Ilang minuto ang lumipas, ipinagpatuloy ko ang gawain ko sa kusina habang naghihilamos naman si romeo sa lababo.
Habang inihahanda ko ang almusal—tuyong isda, itlog, at kanin. Pinagmamasdan naman niya ang kanyang mukha sa salamin, namumula dahil sa pagsampal ko.
"Hindi mo naman kailangang maging bayolente," sabi niya, medyo naiinis. "Pakiramdam ko nadislocate ang panga ko."
"Sino bang may sabi na yakapin mo ako?" sagot ko habang naiinis.
"Kung hindi mo ako biglang niyakap, hindi kita sasampalin ng malakas!"
Imbis na humingi ng tawad, nagdahilan siya. "Hindi ko alam ang nangyari. Nananaginip ako, kaya paano ko naman malalaman na ikaw yung nasa harap ko? ." sagot nya.
"Anong gusto mong gawin ko? Sa tingin mo maniniwala ako sa sinasabi mo? Malay ko ba kung ginawa mo lang 'yon para makayakap ng libre saakin!" sabi ko, halos sumigaw. "Manyak!"
Ngumisi siya, at muling tinignan ako mula ulo hanggang paa, na para bang sinusuri ako. "Hindi naman ako interesado na yakapin ka," sabi niya, may panunukso sa tono.
"hindi ko alam na masyado karin pa lang ilusyunada."
"Ano?!" sigaw ko, naiinsulto. "Ang kapal ng mukha mo! Sa tingin mo ba gusto ko na may lalaking yumayakap saakin?"
Bahagya syang tumawa, habang nilalagyan ng ice bag ang kanyang pisngi. "Hindi ako makakaharap sa mga tauhan ko ng ganito ang mukha," sabi niya, pero may ngiti pa rin.
Tumingin ulit siya sa akin, at dahil doon kinilabutan ako. "Tigilan mo nga 'yang pagtitig saakin!" sabi ko, itinutok ang kutsilyo sa kanya bilang pagbabanta.
"Nagtataka lang ako," sabi niya, hindi natinag. "ang sabi mo tomboy ka, diba? pero bakit parang nahihiya ka na mahawakan ng lalaki? May kapatid rin akong tomboy, pero okay lang sa kanya na nahahawakan ko sya o magkasama kami."
Namula ako sa sinabi niya. "sino bang nagsabi sayo na nahihiya ako? " depensa ko. "Ayoko lang na minamanyak ako ng mga lalaki. At kahit tomboy ako kumilos ay isa parin akong babae at ayokong aabusuhin lang ako ng kagaya mo. "
" Oh.. Alam mo yung kapatid ko, naging tomboy sya dahil gusto nya palagi ang makipag laban at makipagtagisan ng lakas, eh ikaw? Bakit mo ba pinili na maging tomboy? " Tanong nya.
Napahinto ako sa tanong nyang iyon at napailing, napaisip ako kung dapat ko ba iyon sagutin pero sa loob loob ko gusto ko rin malaman nya kung sino ako na tila ba gusto kong makilala nya rin ako.
Napabuntong hininga ako at ilang sandali oa ay ipinaliwanag ko na nagpaputol ako ng buhok at nagdadamit pang-lalaki para iwasan ang mga manyak sa lugar namin. Mula nung bata ako ay iyon na ang tumatak sa isipan ko para maiwasan ang pananamantala sa amin.
Ikwinento ko na puno ng mga manyak ang lugar namin, kaya nga maraming nightclub at prostitusyon doon.
"Kapag natipuhan ka ng mga Kastila, sapilitan kang pinapatrabaho sa nightclub o pinagsasamantalahan," sabi ko, ang boses ko ay puno ng galit.
"Wala kang alam sa pinagdaanan namin sa mga hayop na Kastila. Kahit sino, mas gugustuhin maging tomboy na lang kaysa maging laruan ng mga nakakadiring baboy na 'yon."
" Walang magkakainteres saakin kung ipagoaoatuloy ko ito. " Dagdag ko.
Pero iba sa inaasahan kong tugon nya ay bigla syang lumapit saakin at hinawi ang bangs ko para makita ang mukha ko.
Nagtama ang mga tingin naming dalawa habang sinasabi saakin.
" Alam mo masyado kang maganda para maging tomboy. " Sambit nya.
Halos manigas ako sa kinatatayuan ko at nabitawan ang hawak ko dahil sa mga narinig ko. Namuka ang pisngi ko sa labis na hiya pero agad kong sinampal ang kamay nya palayo saakin.
" T-tu-tumigil ka nga! A-an-ano bang kalokohan ang sinasabi mo? "
Muli nyang inulit ang sinabi nya at pinikit na maganda ang mukha ko at mukha oarin babae pero inaasar nya ako na ang tanging dahilan kaya walang magkakainteres saakin ay dahil sa ugali ko. Masyado akong maingay at matapang para sa isang babae.
"Tumigil ka! Gusto mo ba talagang masaktan? Harassment yang ginagawa mo. " Sambit ko habang itinututok ang tinidor sa kanya. Halos hindi ko mahawakan ng mabuti ang tinidor dahil sa pagiging tensyunado.
Napabuntong-hininga siya at ilang saglit pa ay tinanong, "Kung ganoon kalala ang sitwasyon sa lugar ninyo, bakit hindi kayo umalis ng Kawit?"
Napayuko ako bigla dahil sa kalungkutan.
Muli syang nag salita at ipinaalala na maaari kaming umalis kung hindi na tama ang nangyayari sa lugar namin.
Napadabog ako sa mesa dahil sa galit. "Wala kaming choice! Kahit kinamumuhian ko ang lugar namin, hindi ko kayang iwanan ito dahil sa mga taong naroon. Limang taon din akong nawala sa kawit pero pagbalik ko, mas lumala ang buhay doon.
Nagkaroon ng malaking problema sina Lola at ang mga inampon niya mga bata, nalaman ko na dahil sa kahirapan ng buhay ay nagkautang sa isang mayamang Kastila, at pinipilit silang bayaran ang kanilang utang kahit sa paanong paraan.
" Nakakadismaya dahil nakatali ang mga kapatid ko sa mga hayop na 'yon."
Ipinaliwanag ko sa kanya, "Kung tatakasan namin sila, saan naman kami pupunta? Sa probinsya? Sa Maynila? Paano kung mahuli kami at ikulong? Mas maraming pang-aabuso at panggagahasa sa kulungan. At isa pa wala rin kaming pera, kaya babalik lang kami sa lansangan, magpapagamit sa ibang tao para kumita."
Habang nakayuko ako ay dahan dahan syang lumapit pa sa akin at inilagay ang ice bag na hawak nya sa ulo ko, at sinabi,
"Tama na yan. Palamigin mo muna ang ulo mo." Ngumiti siya, pero may lalim sa kanyang mga mata.
"Hindi na natin maibabalik ang nakaraan. Ako rin, nakakadena sa trahedya ng nakaraan, at pinagdudusahan ko ang trauma ko gabi-gabi. Ang magagawa na lang natin ay magpatuloy at kumilos para sa mas maayos na kinabukasan."
Hinawi ko ang kamay niya habang naiinis. "bitwan mo nga ako! Ano bang trauma ang sinasabi mo? May kinalaman ba 'yon sa masamang panaginip mo kanina? Napansin ko na sobra kang natatakot," sabi ko, hindi ko napigilang mag-usisa.
Umiling siya, nahihiya. "Kalimutan mo na 'yung nakita mo. Marami akong masasamang karanasan noon, at natatakot ako na maulit 'yon sa mga minamahal ko, lalo na sa mga kapatid ko na dahilan ko para magpatuloy sa buhay."
Pinatigil niya ang usapan tungkol sa mga negatibong bagay, dahil baka lalo lang kaming maawa sa mga sarili natin. Pero hindi ko iyon sinang-ayunan.
"Sabi ni Lola, kapag may problema o sama ka ng loob, kailanga nating sabihin sa iba ito. Mahalaga na may malabasan tayo ng mga hinanakit natin at pag aalala,
"Lalo mo lang pinahihiraoan ang sarili mo kung itatago mo ito sa loob mo, Kaya nga kapag umiiyak ang mga kapatid ko, lagi kaming nasa tabi nila, nakikinig sa problema nila."
Tinanong ko siya, "Sabi mo, nag-iisa ka at malayo sa mga kapatid mo. Nasasabi mo parin ba sa kanila ang mga problema mo? Hindi kaya dahil sa paglilihim mo, kaya ka nananaginip ng masama?"
Hindi agad siya sumagot sa tanong ko, at sandaling nagbuntong hininga. ngumiti sya saakin habang sinasabi na.
"Maaari nga," sabi niya. "Pero imposible para sa'kin na sabihin ang mga problema ko sa mga kapatid ko. Nakaranas din sila ng pang-aabuso noon, at katulad ko, may mga trauma sila pinaglalabanan. Sinasabi ko sa kanila noon na maging matatag, katulad ko. Ano'ng mukha ang ihaharap ko kung aaminin kong nanghihina rin ako?"
Sinipa ko siya ng mahina sa binti dahil sa mga sinasabi nya na tila nagmamalaki pa. "Ang yabang mo! Sabi mo, mapride ako, pero ikaw rin naman pala, mas pinapairal mo ang pride mo kaysa gawin ang makakabuti para sa'yo, pareho lang tayong dalawa."
---
Pagkatapos ng almusal, biglang nag-aya si Romeo na umalis.
"Samahan mo ako sa mall," sabi niya. "Maraming kulang sa condo ko, gusto kong gawin siyang parang tunay na bahay."
Hindi malinaw sa akin kung bakit, pero wala akong choice kundi sumunod. Sa totoo lang, ito ang dahilang kung bakit ayoko ng may utang na loob, kasi nga naman, narito kami dahil sa kabaitan niya. Kaya obligado akong sumunod sa sinasabi nya.
Sumama rin si Aries, at sa mall, nung makarating kami ay agad kami namili ng mga gamit—mula sa mga unan at kumot hanggang sa mga damit. Nakakahiya na siya pa ang bumili ng mga damit namin, pero wala akong magawa dahil masyadong masigla si Aries, tinatanggap ang lahat na parang walang hiya.
Habang naghahanap ng damit, bigla akong hinatak ni Aries sa women's section, kung saan puno ng mga magagarang damit pambabae.
Pinilit niya akong magsukat ng mga dress. "Hoy, Aries, tumigil ka! Hindi tayo bibili ng ganyan. Normal na damit lang na pwedeng gamitin sa araw araw!" sabi ko habang naiinis.
"Pero sabi ni Kuya Romeo, pwede natin kunin ang gusto natin! Mayaman naman siya, bale-wala 'to sa kanya," sagot niya, nakangisi.
Nainis ako sa narinig ko sa kanya. "Hindi mo pwedeng abusuhin ang kabaitan niya! Wala siyang responsibilidad sa atin!" Ipinaliwanag ko na hindi tama na kunin natin ang lahat ng gusto natin dahil lang mabait si romeo saamin.
Maya-maya, bumili si Romeo ng PS5 at mga laro para may libangan siya sa condo. Sabi niya, mas maganda raw 'yon kaysa ma-stuck sa trapik tuwing day-off niya.
Kumain din kami sa isang mamahaling restaurant, at kahit gusto ko nang tumanggi, pinagbibigyan niya lagi ang mga hiling ni Aries.
Pagkatapos ibigay ang mga pinamili sa mga tauhan niya sa labas, bumalik kami sa mall at nanood ng sine. Hindi ko na alam kung tama pa ba 'to.
Tinanong ko siya, "Seryoso ka bang pagbibigyan mo lahat ng gusto ni Aries? Kung hindi, sasabihan ko na 'yang makulit na 'yan."
Ngumiti siya, ang kanyang mga mata ay puno ng lambot. "Huwag kang mag-alala sa ginagastos ko. May kapatid akong tulad ni Aries noon, at natutuwa ako kapag nakikita ko siyang masaya sa mga bagay na kaya kong ibigay."
Ikwinento niya na dati, isang beses sa isang linggo, lumalabas sila ng mga kapatid niya. At dahil magkakahiwalay na sila ngayon, namimiss niya ang mga sandaling 'yon.
"Bata pa lang, marami na akong pera, pero pansamantala lang ang kaligayahan na naramdaman ko sa pagkakaroon nito, lalo na't nag-iisa ako noon. Hindi matutumbasan ng pera ang saya kapag nakikita kong masaya ang mga kapatid ko dahil sa ginawa ko."
Habang naglalakad kami, napagtanto ko kung gaano niya kamahal ang mga kapatid niya, kahit hindi sila magkadugo. Katulad ko, handa niyang gawin ang lahat para sa mga itinuturing niyang pamilya.
Hindi ko alam kung bakit, pero habang tumatagal, mas nakikilala ko ang tunay niyang pagkatao. Sa bawat araw, parang mas gusto ko siyang pagkatiwalaan.
Pag uwi ng bahay ay agad namin sinubukan ang biniling gamit at nilaro ang ps5 ni romeo. Pareho kaming nawili sa paglalaro hangang sa hindi na namin napapansin ang oras.
Marami akong pinoproblema at inaalala tungkol sa hinaharap ng pamilya ko pero pansamantala ko itong nakakalimutan lalo na kapag kasama ko sya. Pakiramdam ko ay komportable na akong kasama sya, hindi dahil sa naibibigay nya saamin pero sumasaya ang loob ko dahil may isang katulad nya na dumating sa buhay namin.
Dulo ng Kabanata
