Malalim na ang gabi at kanina pa tumigil ang malakas na tugtogan sa court, nag-simula naring umalis ang mga nakatable kanina kaya bahagyang tumahimik ang paligid. Tulog na sina Gem at Lucky habang nakasandal si Lucky sa balikat ni Gem samantalang si Blue naman ay nakayuko na sa mesa dahil sa kalasingan. Pagpunta nila kanina naka-ilang can na kaagad ng beer si Blue at may tama na ito kaya sabay silang bumagsak ni Lucky kanina.
Nakasandal naman si Jacian sa upuan habang tahimik siyang nag-cecellphone. Umalis si Coach Dang para tawagan ang kanilang driver na sunduin sila ngunit pagbalik niya bahagyang kumunot ang kanyang noo nang makitang wala si Just. Tinanong niya si Jacian na ngayon ay abala parin sa pagtipa.
"Nasaan ni Just?"
Nag-angat siya ng mukha para tingnan si Coach Dang bago ibinalik uli ang kanyang paningin sa kanyang cellphone. "Bumili ng barbeque, Coach. Para daw kay Mrs. Sojurn." Sagot niya.
Tumango si Coach Dang at sinabing mauuna na siya para abangan ang kanilang team van, tumango naman si Jacian at pinagpatuloy ang kanyang ginagawa habang hinihintay si Just.
Nang makabalik na sila sa base, nagising si Gem at ito na ang nag-presenta na siya na ang magdadala kay Lucky sa dorm. Samantala, pinagtulungan nilang alalayan si Blue at dalhin paakyat sa second floor. Nasa labas sila ng dorm ni Blue nang lumabas si Coach Dang at isara ang pinto. Paglabas nito tiningnan nito si Just mula ulo hanggang paa.
Jacian: "..."
"Mabuti nalang at hindi ka naglasing ngayon, kundi mahihirapan kaming buhatin ka ni Boss paakyat sa second floor sa tangkad mong yan." Lintaya ni Coach Dang habang pababa sila ng hagdan. "Hindi pa ba kayo matutulog? Diba nasa second floor ang mga dorm niyo?" Tanong sa kanila ni Coach Dang at huminto para lingunin sila.
"Mn. Ibibigay ko lang to kay mama." Saad ni Just at iniangat ang hawak niyang plastic na may lamang barbeque.
Tiningnan naman ni Coach Dang si Jacian.
"May naiwan ako sa sala."
Coach Dang: "..." Tumalikod na si Coach Dang at humihikab na lumiko sa corridor.
Naglakad si Jacian patungo sa living room kung saan niya iniwan kanina ang binili niyang pasalubong kay Gretil ngunit nang makalapit siya nakita niyang nasa sofa si Gretil habang nakabalot ito ng kumot. Wala itong ginagawa at tahimik lang na nakaupo na animo'y may hinihintay.
Ngumiti si Jacian at naglakad hanggang sa makalapit, naramdaman naman ni Gretil ang presensya niya kaya nag-angat ito ng mukha. Halatang kakatapos lang nito umiyak dahil namumugto pa ang kanyang mga mata at magulo ang kanyang buhok.
"Bakit hindi ka pa natutulog?" Malumanay na tanong ni Jacian habang nakatago sa kanyang likuran ang kanyang pasalubong. Alas onse na ngunit gising parin si Gretil.
Hindi sumagot si Gretil ngunit maya-maya lang tumingin ito sa kanyang buhok at agad na lumukot ang kanyang mukha para umiyak.
"Sshh, h'wag kang umiyak. May pasalubong ako sa'yo." Saad ni Jacian at umupo sa tabi nito.
Kumurap si Gretil at puno ng kuryusidad ang kanyang mga mata na tumingin kay Jacian.
"Ta-da!" Ani Jacian at inilabas ang kanyang pasalubong na tinatago mula sa kanyang likuran.
Kumislap ang mga mata ni Gretil at hindi nito alam kung malulungkot ba siya o matutuwa, nakatitig siya sa hawak ni Jacian habang nanlalaki ang mga mata.
"Nagustuhan mo ba? Gusto mong ilagay ko sa'yo?"
Napakagat-labi si Gretil at sunod-sunod itong tumango. Tinanggal iyon ni Jacian sa lalagyan at isa-isang kinabit sa buhok ni Gretil, bahagya niya pang sinuklay ang buhok nito gamit ang kanyang mga daliri para ayusin.
Matapos niyang ikabit, ngumiti si Gretil at hinawakan ang kulay pink na tirintas na nakakabit sa kanyang buhok.
"Wow, ang ganda ganda ni Gretil!" Nakangiting saad ni Jacian at hinawakan ang buhok nito. Tumawa silang dalawa at kinunan niya ng picture si Gretil para ipakita dito.
"Kuya!" Tawag ni Gretil nang pumunta si Just sa living room, hawak niya ang mga tirintas sa kanyang buhok at nakangiting pinapakita kay Just. "Ang ganda ganda!---waaah..." Humikab siya at kinusot ang kanyang mga mata. Kumapit siya kay Just nang buhatin siya nito.
"Bumalik ka na sa dorm." Aniya kay Jacian habang pinapatulog si Gretil.
Inaantok na humikab si Jacian at tinanguan si Just bago siya naglakad patungo sa second floor.
Maagang nagpaalam si Coach Dang dahil kailangan na nitong umuwi sa kanila, kausap nito si Just sa loob ng break room nang pumasok doon si Just para kumuha ng bottled water, tumango lang si Just at tinapik ang balikat nito. Sa susunod na buwan pa babalik sa base si Coach Dang kapag malapit na ang simula ng playoffs, may isang buwan pa silang pahinga kaya sinabi nitong uuwi muna siya para makasama niya pa ang anak niya ng ilang linggo dahil kapag nagsimula na ang playoffs hindi na siya makakauwi sa kanila.
Lumabas si Just sa break room at naglakad patungo sa pinto habang hawak ang bottled water. 6:30 palang ng umaga nang i-angat ni Just ang sleeve ng kanyang jacket para tingnan ang oras, hindi pa tuluyang natutunaw ang hamog at tanging tuktok palang ng bundok ang makikita. Ngunit pagtingin niya sa labas nakita niyang nakatayo doon si Jacian habang nag-cecellphone, naka-jacket at short ito ng black at nakasapatos. Seryuso itong nakayuko habang may tinitingnan sa cellphone.
Bahagyang kumunot ang noo ni Just dahil hindi niya inaasahang makikita niya si Jacian ngayon at ng ganito kaaga. Iniisip niyang magiging awkward sa pagitan nila ni Jacian at handa naman siyang bigyan ito ng araw para mag-adjust pero halatang hindi na nito kailangan. Naglakad siya palapit dito at luminga naman si Jacian nang maramdaman nito ang presensya niya.
"Anong ginagawa mo dito?" Tanong niya.
"Sasamahan kita mag-jogging." Tinanggal ni Jacian ang earphone na nakasaksak sa kanyang cellphone at inihulog iyon sa bulsa ng kanyang short. "Nilabas na ng PKL ang result sa regular season, nakita mo na?" Tanong niya kay Just habang naglalakad sila palabas ng gate.
Umiling si Just at uminom sa hawak niyang bottled water. Hinawi ni Jacian ang sanga ng bougainvillea na nakaharang at napangiwi nang matusok siya ng tinik.
Tiningnan siya ni Just at tinakpan ang bottle. "Nasugat ka?"
Umiling si Jacian at pinakita ang maputi niyang palad. Tumingin siya sa kanyang cellphone para hanapin ang post ng PKL at iniharap ito kay Just.
Kaninang umaga lang nilabas ng PKL ang results ng regular season matapos ang match ng dalawang teams sa group D kahapon, ito ang tinitingnan ni Jacian kanina sa labas ng base para tingnan kung anong top ang kanilang team. Hindi na sila nagtaka nang makitang top 1 ang GOT-G sa may pinakamataas na points, samantalang top 2 naman ang FTT at lamang lang ang GOT-G ng 3 points sa kanila. Sa third round ng regular season na 2-0 sila ng GOT-G pero na 2-1 naman nila ang GOT-G kaya 2 points lang ang nakuha ng GOT-G sa kanila sa third and fourth round. Ngunit hindi nila inaasahan na 3 points lang ang lamang ng GOT-G, pareho silang hindi makapaniwala.
Sa ilang years ni Just sa PKL hindi naging ganito kadikit ang score ng GOT-G sa mga teams, madalas 8 points ang lamang nila at last season umabot ng 10 points ang lamang nila sa HUV. Ngayon lang naging dikitan ang score at sa hindi inaasahan FTT pa ang pumapangalawa at nagawang pabagsakin ang HUV sa top 3. Mahigpit ang coach ng GOT-G pagdating sa mga training nila at magaling mag-sermon ng mga players, ayun kay Lessen at Shadow senersermonan sila ng kanilang coach kahit na nakahiga pa sila. Wala naman silang choice kundi ang makinig ng sermon nito dahil babawasan ang sweldo nila kapag hindi sila nakinig.
"May 80% chance na makakapasok tayo sa grand finals ng domestic." Nakangiting saad ni Jacian.
"Mn."
Pinatay ni Jacian ang kanyang cellphone at nilagay iyon sa bulsa ng kanyang jacket. "Hindi ba tayo mag-jojogging?" Tanong niya kay Just at nilinga ang kanilang pinanggalingan, hindi pa naman sila nakakakalayo sa base at tanaw pa nila ang malagong bougainvillea sa kanilang main gate.
"Mag-jogging tayo 'pag nakarating na tayo doon." Saad ni Just at inakbayan siya habang nakatingin sa unahan.
Tumingin din doon si Jacian. "Saan?" Tanong niya.
"Doon." Ani Just at iniangat ang kanyang kamay para ituro.
Nilihis ni Jacian ang kanyang ulo para tingnan ang tinuturo nito ngunit hindi niya maaninag. "Saan doon?"
"Banda doon."
Lumapit pa si Jacian ngunit hindi siya nakapag-react nang halikan siya ni Just sa labi.
Jacian: "..."
Kumurap siya at itinuon ang tingin sa daan.
"Captain."
"Mn?"
"Wala pa tayong isang araw pero parang hindi na kita kilala." Lintaya niya.
"Mn. Ramdam kong bumaba ang IQ ko." Seryusong sagot niya. Tinanggal niya ang kanyang kamay sa balikat ni Jacian at nagsimula na silang mag-jogging.
Huminto sila nang may madaanan silang waiting shed at nagdesisyong magpahinga. Dahil walang dalang tubig si Jacian nakiinom siya sa tubig na dala ni Just at hinihingal na kinuha ang cellphone sa kanyang bulsa para umupo. Pinahid niya ang pawis sa kanyang noo at tinanggal ang kanyang jacket, ginamit niya iyon para punasan ang kanyang batok. Kinuha naman ni Just ang kanyang jacket at siya na ang nagpunas sa likod nito gamit ang kanyang blue na towel at nilagay iyon sa likod ni Jacian.
Pareho silang umupo sa waiting shed para magpahinga ngunit makalipas ang ilang sandali nang magyaya si Jacian maglaro at i-ninvite si Just sa lobby. Pagkatapos ng ilang games at matanggal ang kanilang pagod nagdesisyon silang bumalik ngunit paalis palang sila sa waiting shed nang makarinig si Jacian ng taho.
"May taho, gusto kong bumili." Saad niya. Hindi siya kumain pag-alis niya sa base at nakakaramdam na siya ngayon ng gutom.
Lumapit sila ni Just sa nagtitinda ng taho at bumili siya ng dalawa, binuksan ni Jacian ang kanyang cellphone para bayaran ito gamit ang SweetTalk pero sinabi ng mamang yun na wala siyang cellphone. Tumango si Jacian at sinabing hintayin siya para magpa-cash out.
"May cash ako." Singit ni Just at inabutan ng bayad ang mama.
"Sobra ito hijo." Saad ng mama habang nakatingin kay Just. Sinabi naman ni Just na bigyan siya ng isa at sa kanya na ang sobra.
Habang naglalakad sila pabalik tumunog ang cellphone ni Just at nakita niyang nag-send si Jacian ng pera. Kumunot ang noo niya at nilinga ito.
"Bakit nag-send ka?"
"Para dito." Ani Jacian habang hawak ang dalawang taho sa kanyang kaliwang kamay.
"Ingatan mo, mabubuhos na."
"Hindi yan." Nilagay ni Jacian ang kanyang cellphone sa bulsa ng kanyang jacket at kinuha ang isang baso. Nagkwentuhan sila habang kumakain hanggang sa makabalik na sila sa base.
Dahil tapos na ang regular season at isang buwan pa bago magsimula ang playoffs kanya-kanya na silang nagdesisyon kung anong gagawin nila sa loob ng isang buwan. Sinabi ni Lucky na maghahanap siya ng girlfriend at hihiwalayan niya kapag nagsimula na ang playoffs, binato siya ni Blue ng unan na kaagad niyang nasalo.
Sinabihan sila ni Mrs. Sojurn na p'wede na silang umuwi sa kanila at hintayin ang update ni Coach Dang kung kailan sila p'wedeng bumalik sa base, pinayagan na ring umuwi ni Mrs. Sojurn ang mga staff at ang kanilang lead coordinator maging ang second string kaya tumahimik ang loob ng base. Si Lucky ang pinakamasaya sa kanilang lahat dahil sa wakas makakagala na siya nang walang iniisip na training. Bumalik na sila sa kani-kanilang dorm para mag-impake ng kanilang mga gamit.
Bumangon si Jacian at pumasok sa CR para maligo, kinuha niya ang towel na nakasabit sa likod ng pinto at humarap sa lababo para mag-toothbrush. Pagkatapos niyang magmumog lumabas siya sa CR at tinungo ang pinto nang makarinig siya ng katok. Pagbukas niya nakita niya si Just na nakatayo sa harap ng kanyang pinto at bihis na bihis, may sunglasses pa na itim na nakalagay sa ulo nito dahilan para mapunta sa likod ang kanyang buhok.
